20 SENTIMO NA PAGTAAS SA PRESYO NG KURYENTE, POSIBLENG MARANASAN DAHIL SA TAX REFORM LAW; SOCOTECO II NANATILING ISA SA MAY PINAKAMABABANG PRESYO NG KURYENTE SA MINDANAO
Matapos ang pag-aaral sa posibleng epekto ng Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law sa power rates, inilabas ng SOCOTECO II ang isang simulation ng 20 sentimo na pagtaas na maaaring madama umpisa ngayong Marso 2018.
Nilinaw ni Engr. Crisanto C. Sotelo, SOCOTECO II General Manager, na anumang pagtaas ng singil nito sa generation ay di mapupunta sa SOCOTECO II kundi direktang ibabayad sa mga generation suppliers nito. Ayon pa sa kaniya, na ang pagtaas ay sa generation charge lamang at ang 20 sentimo ay pagtatantya base sa mga datos mula sa power demand noong November 2017 ng kooperatiba. Ang singil sa generation ay magbabago depende sa aktwal na gasto ng fuel at generation mix ng SOCOTECO II bawat buwan.
Ngunit sa kabila ng pagtaas ng kuryente ay binigyang-diin ni Engr. Sotelo na ang SOCOTECO II ay nananatiling na isa sa mga kooperatibang may pinakamababang presyo ng kuryente sa Mindanao.
“Ang pagtaas na ito ay di lamang mararanasan ng SOCOTECO II kundi pati ng ibang Electric Cooperatives sa buong bansa. Bilang paalala, hinihikayat namin ang mga member-consumers sa responsableng paggamit o pagkonsumo ng kuryente para sa mas mababang bayarin nito sa mga susunod na buwan”, dagdag pa niya.
Ang bagong inaprubahang batas sa ilalim ng pangangasiwa ni Pangulong Duterte ay tutustusan ang mga proyekto sa imprastraktura, sosyo-ekonomikong programa at bawasan ang personal income tax, gayunpaman ito ay magpapataas ng mga buwis sa mga fuels, mga kotse, tabako at mga sugary beverages.
# # # #